Opisyal na magsisimula ang klase sa Lunes, ikatlo ng Agosto. Ngunit nakakailang balik na rin ako sa UP. Una akong pumunta roon noong Marso para sa open house at orientation. Nasa CMC auditorium at University Theatre lang kami noon kaya masaya-saya pa ang buhay. Bumalik na ulit ako mga Hulyo para sa registration at mga tour. Sa mga araw na ito ko rin unti-unting minahal ang payong ko.
Alam ninyo naman sa Pilipinas, maaraw lang o maulan. Ano pa man sa dalawa, kakailanganin mo ang payong mo. Noong araw ng registration para sa kolehiyo ko, hindi ako dumeretsong OUR dahil may kulang akong medical certificate. Kinailangan ko pang pumunta sa University Health Service. Natapos naman ako sa loob ng dalawang oras,- ang ibig sabihin mayroon pa akong isang oras bago magcut-off ng pila sa OUR. Ngunit naligaw ako sa mga dahilang 1) sa maling direksyon ako naglakad papuntang OUR, 2) sumakay ako ng jeep ngunit 'di ko alam kung saan baba, 3) kaya bumaba ako kung saan sumakay, at 4) nahiya akong magtanong sa mga tao. Talino, noh?
Dahil nga ako'y nawawala at 'di marunong sumakay ng Ikot, naglakad-lakad na lang ako sa pag-iisip na makakarating din ako ng OUR. Umuulan noon at dala-dala ko ang aking sling bag, chest x-ray, mahahalagang dokumento at payong... PAYONG! Buti na lang may payong! Dahil sa payong ko, nakarating ako sa OUR nang matiwasay... Isang oras pagkatapos at 'di na umabot sa cut-off, pero matiwasay pa rin. Salamat, Payong.
Mula noon parati na akong may dalang payong pag pumupunta sa UP. Tulad na lamang kanina sa Great Freshie Tour. Nakakumpol ang mga freshmen sa Quezon Hall, sa likod ng Oble, doon sa field kung saan nagaganap ang graduation. Mula 8 hanggang 10. Nakabilad kami sa araw. Buti sana kung sunflower ako, edi masaya. Pero hindi! Nakakaloka. Gayunpaman, nandiyan naman uli si payong. Kaya nasusunog man ang aking mga paa sa init, nakapayong naman ako at 'di masyadong naarawan. Salamat uli, payong. Hinding-hindi kita iiwan sa bahay kapag pasukan na (Sana nga!).
No comments:
Post a Comment